|
Ang Ibon
ni Edna Lesada
Pagaspas ng pakpak umaasiwas
habang pumapalaot sa ulap na alapaap,
sinisipat ang lupa habang lumilipad
simoy ng hangin sa dibdib nararamdaman.
Nakita ng isang bata ang ibong pumapalaot
pinukol ng maliit na bato na napulot,
dinaplisan ang pakpak habang pumapagaspas
tinamaan ng malakas dahil bumagal ang lipad.
Nagpaikot-ikot habang bumabagsak
pilit pa ring pakpak ay igalaw,
umiyak sa sakit na naramdaman
puso ko'y nabagabag,halos maiyak.
Lumapag ang ibon sa tuyot na damong nagkalat
duguan ang dibdib,pakpak ay di na maikampay
ang mahinang huni halos hindi maulinigan
hanggang di naglaon nawalan na ng buhay.
Sa isang bata tuwa sa puso pagnakatama
ng ibon sa puno na namamahinga,
naranasan mo ba nung ikaw ay bata pa?
na pumulot ng bato at ipukol sa maya.
Kasawian
ni Edna Lesada
May alinlangan ang aking pagpunta
at dumalo sa sayawang gaganapin sa makalawa
hindi ko yata maatim na makita
sintang iniwanan upang sumama sa iba.
Puso ko'y nangangamba, isip nagugulo
ibig kalimutan sintang kalaguyo
sana'y maintindihan ang aking paliwanag
nang sa ganon kalooban ay mapanatag.
Remigio ang pangalan ng aking kaibigan
sa tindig na lamang at buong katayuan
mga katangiang pinapangarap ng mga kababaihan
pag-ibig bubukal kung siya'y masusul-yapan.
Himig naulinigan nagmumula sa orkestra
tugtuging may halaga sa kahapong nakaraan,
sa itong pagkakataon si Remigio'y tumayo
sa lugar ng kinauupuan ko siya'y patungo.
Hinawakan ang nanlalamig kong mga palad
At ako'y inanyayahang sumayaw,
aming dibdib nagkalapit,paa ko'y namitig,
parang bato naramdaman,hindi ko maigtig.
Habang kami'y nagsasayaw naibulong sa aking teynga
"bakit iniwan ang puso kong nagdurusa
ano ang dahilan at ikaw'y nag-asawa sa iba,
bigyan mo ako ng linaw ng puso'y hindi na magdusa".
Patawad Remigio sa pait ng aking nagawa
ako'y dumanas ng pighati at pagdurusa,
ang kapiling sa tuwina walang makamit na ginhawa,
kung hindi puro kasawian na ako ang maysala".
Ako'y napakasal sa hindi ko kagustuhan
si ama at si ina ang dahilan ng kapalaran,
ipinagkasundo ako sa isang kababatang sukdol yaman,
upang mabigyan ako ng mabuting kinabukasan".
Ang tibok ng puso dapat sundin ang pintig
hindi dapat makialam magulang man o kapatid,
malaking kamalian ang humadlang sa pag-ibig,
dusa dadanasin at pait ng puso ang haharapin.
Ang Buhay Ng Tao
ni Edna Lesada
Magmula ng masilayan ang ilaw ng buhay
Mahiwaga talaga hanggang kamatayan
Wariin ko man tila walang katapusan
Buhay sa mundo lubhang napakagulo.
Kaligayahan kilala habang may hininga
Anumang mapaglarong kapalaran ay tarukin
Pipiliting sagipin kahit mapait ang lasapin
Ito ang haharapin hanggang kabiguan ay masupil.
Masaya,walang kalungkutan buhay ng kabataan
Mahimbing matulog,kumain masarap
Kabiguan o masamang kapalaran
Sa puso at diwa ni hindi maramdaman.
Ang buhay ng tao parang saranggola
Pagkatayug-tayug kung lumipad
Subalit kung ang hangin ito'y kalawitin
Mahuhulog sa lupa at magkakagula-gulanit.
Ganito ang buhay ng tao
Sumandaling kaligayahan mararanasan
Dagok ng tadhana ni hindi mo inaasahan
Tanggapin natin ng malualhati ang ating kapalaran.
NEXT>>
|